Home Top Ad

Responsive Ads Here

 MGA TULA PARA SA SETYEMBRE   PAG-IBIG SA DIYOS Sa mga nilalang ng buong sansinukob, Anong mayroon na ipinagkaloob, Na walang katulad; wala...

MGA TULA PARA SA SETYEMBRE




MGA TULA PARA SA SETYEMBRE 

PAG-IBIG SA DIYOS

Sa mga nilalang ng buong sansinukob,
Anong mayroon na ipinagkaloob,
Na walang katulad; walang hangganan?
Pag-ibig na walang pag-aalinlangan!

Ang pag-ibig na hindi nagmamapuri
At hindi kailanma’y nananaghili;
Ang pag-ibig na lahat ay tinitiis
At hindi pansin kahit anomang dungis.

Pag-ibig na gawang nagpapahalaga,
Taos na paglingap sa kanyang kapuwa,
Mula sa aral ng Kasulatang Banal.
Ito’ng pag-ibig sa Diyos na Maykapal.

(Isinulat noong Setyembre 1, 2014)




KAILAN? SINO?

Kung hindi ngayon ay kailan pa ba?
Kung hindi ang mamamayan, sino kaya?
Kailan? Sino? Katanungan ng masa,
Kasaguta’y hanap sa sarili’t kap’wa.

Mga maralitang sa kuko ng mayaman,
Pagdurusa ay waring walang hangganan.
Mga tao ba’y manhid sa dakong Silangan
At karainga’y nilulunok na lamang?

Mga mag-aaral nagnanais matuto
Sa gitna nitong paghihirap ng mundo;
Dagdag na pamatok sa kanilang ulo
Pilit itinarak sa kanilang bungo!

Mga manggagawang sa lipuna’y haligi,
Pilit binabaka hirap at pighati;
Haplit sa likod ang sa kanila’y sukli,
Mapagsamantalang sukab na may-ari!

Mga magsasakang sa bukid ay alagad,
Alipin ng mga sa kasakima’y sagad;
Tanikalang gapos dapat ng mapigtas,
Sa himagsik ng dibdib na nag-aalab!

Mga mamamaya’y lipos sa paghihirap,
Bulag na sa kadugo’y walang paglingap;
Habang ang mga dayuha’y nagpapasarap
Sa yaman ng bayang basag ang pangarap!

Mga bayaning limot, gabay ng panahon,
Masdan ang bayang nililigid ng alon;
Sa puntod ng Dakila kayo’y magbangon,
Baya’y tulungang sa kumunoy iahon!

Bumangon ka mutyang Hiyas ng Silangan,
Gisingin, diwang alipin ng Kanluran;
Isiwalat ang dilawang kamangmangan,
Magkaisa’t panlilinlang ay labanan!

Bangon na mga Kabataang Makabayan,
Mga anak na pag-asa ng Inang Bayan;
Ang sandata niyong utak at panitikan,
Ibugso na’t igawad ang katarungan!

Bangon na mga Manggagawang Maralita,
Sa pagkaalipi’y lubos na makibaka;
Lagutin na ang dayuhang tanikala,
Kamao’t diwa ang gamiting sandata!

Bangon na mga Magsasakang Kayumanggi,
Nasa mga palad niyo ang bagong binhi;
Kayo na pulubi sa bayang sarili,
Hasain ang karit, gapos ay iwaksi!

Bumangon ka, O Dakilang Maharlika,
Sa bagong umaga’y iharap ang mukha;
Iahon mo sa lusak ng pagdurusa
Ang kapuluang itong pamana ni Bathala!

Bangon na’t ating iguhit ang tadhana,
Sa pagkamakabayan ay magkaisa;
Ang bawa’t himagsik may ganting pala,
Tagumpa’y kakamtin sa pakikibaka!

Bangon na’t ating itaas ang kamangyan,
Mga tanikala sa kamay at paanan,
Pagkaalipin sa lupang sinilangan,
Lagutin na, ngayon, ikaw, aking bayan!

(Unang nailimbag sa The People’s Horizons Vol. VI No. 1, Pebrero 4, 1987.
Ginawan ng pagbabago at pagsasaayos, Setyembre 11, 2016.)




NALANTANG KAMPANILYA

Bilang na ang mga araw mo
Sa pagdating ng bagong ulan.
Pangakong napako,
Tungkuling nilapastangan.
Kaya ngayo’y ang mga sanga
Ay nakahapay;
Ang mga ugat, inaanay!
Panahon na!

Mga talulot na dilaw ay natuyo
Sa kapalaluan nahirati.
Paghihiganti ang amo,
Kapangyarihan ang lunggati.
Kaya ang ganda ng kulay
Ay pumanaw;
Ang hilagyo, nalusaw!
Panahon na!

Sagisag ng pag-asa,
Isang pagkukunwari.
Kumandiling lupa
Sa kataksila’y nalason, nasawi.
Ang nagtanim nayamot
Sa sukab;
Galit lubhang nag-alab!
Panahon na!

Sa pagkalanta, kapanilyang dilaw,
Hindi hinagpis ang maririnig
Kundi pagbubunyi, galak, hiyaw,
Luoy na ang sagisag ng manlulupig.
Oligarkiya, pasista,
Sa takap ng bayang naghirap
Banaag ang bagong tuwa
Para sa Bagong Hinaharap!

(Orihinal na isinulat noong August 2, 2017. Bahagyang binago, Setyembre 12, 2018.)

 


ALAALA SA ISANG LANGAY-LANGAYAN

Malupit ang lintik na tumama
Sa tikas ng punongkahoy.
Nasunog ang mga sanga,
Mga dahon kinain ng apoy.

Makatarungan ang Diyos,
Isang unos ang nabuo.
Ulan, malakas na bumuhos,
Lagablab, duwag na naglaho.

Isang inakay ang nakalugmok,
Pataksil na pinaslang,
Ng pasistang nakaluklok,
Sa kapangyariha’y hibang!

Sa aking kaibigan, isang panata,
Daang ulit mang puksain,
Mananatili ang pakikibaka
Laban sa mga imbi at sakim!

Nanatiling buhay ang mga ugat,
Mula rito’y uusbong na muli,
Sanga-sangang akibat
Ng bagong pagpupunyagi!

Mga sangang kakandili
Sa libong langay-langayan;
Sa tunog ng mga tambuli
Magbabatay sa Inang Bayan!

[Isang tulang isinulat noong Setyembre 19, 2012, bilang alay at pag-alaala
sa ika-25 taon ng pagyao ni Leandro “Lean”Alejandro (1960-1987), magiting na aktibista,
biktima ng pamamaslang ng rehimen ni Cory Aquino.]

 


HINDI DILAW ANG KULAY NG PAKIKIBAKA!

Maingay kahit kakaunti; mapusok na walang dili-dili,
Kahit ang adhikain ay tuliro kung tama o mali!

Aktibista, ngayon, sa panahon ng Internet,
May martsa sa lansangan, agad naipahahatid.

Sa gitna ng tag-araw ay umuulan,
Pagdating ng taglamig ay saksakan ng init!

Bagong panahon? Ito ay tanong.
Anong nangyari sa aktibismo? Balimbing at tipaklong!

Sa lansangan ibinuhos kinimkim na galit?
Totoong galit o binuyong galit?
Tuloy ang martsa!
Sinu-sino ang kasama?
Madre, pari, pasista,
Mga galamay ng oligarkiya!
Laban umano sa diktadura
Aktibismong nabahiran ng dungis,
Kulapong salapi, ibang diwa,
Naging kanan na ang kaliwa!
 
Hala, ihanda na ang rebultong papel at karton,
Sisipain, susunugin sa demonstrasyon,
Tanda ng galit
At di-pagsang-ayon!
Totoong galit o binuyong galit?
Inuulit-ulit ng makulit. Saan sasang-ayon?
Tanong ng lider sa mga naroon:
Bakit kakaunti tayo ngayon?
Umaaraw naman
At kay ganda ng panahon?
Nang umulan nang humapon
Naiwan na lang ang mga miron!

Mga estudyanteng lumiban
Sa klase, ayaw ng Math?
Mga madreng katatapos mag-Inasal,
Ayayay balubalo, hindi dasal!
Mga nakakotseng magara,
Kumakaway sa nagdaraan;
Tumatawag pansin, sila kaya’y artistang
Di-kilala o sanhi lamang ng kahibangan?

Isinisigaw sa protesta
Ay bumaba ang nakaupo.
Ang nasa likuran kaya ay sino?
Ah mga pulitikong nais umupo,
Pumalit sa lukulukan ng nakaupo;
Mga talunan sa halalan, tinalo ng nakaupo!

Mga kabataang ligaw
Ang isip sa tunay na dahilan
Ng hinagpis ng taong-bayang
Matagal na pinaglaruan ng kasaysayan;
Ng inilihis at itinagong kasaysayan!
Likaw, liko, lihis, lisya,
Kasaysayang itinakda ng puting dayuhan!

Kayo ba’y mga daga,
Mga dagang agaw-buhay,
May nakataling lata
Sa mga buntot,
Pinakakawalan upang mag-ingay
Sa pagbubukang-liwayway,
Tulo ang laway,
Dilaw ang kulay?

Dilaw, ayon sa awiting Kano,
Kulay ng lasong nakatali sa puno.
Dilaw, dilaw, paninibugho!
Sa kabilang dulo
Dilaw, dilaw, pagtataksil
Sa pagsuyo!
Dilaw, dilaw, o hindi!
Malik-mata, masamang anyo!
Dilaw na ba
Ang kulay ng aktibismo?
Karuwagan ipinalit sa tapang;
Samyo ng bangis pinalitan ng baho!
Nasaan na ang bugso
Ng unos, tikom na kamao?
Nasa ibaba, sa pagitan ng hita?
Ihi na lang ba ito ng lawit na may tulo?

Dilaw, dilaw ang kulay ng ihi,
Ubod ng sangsang at walang kasing-panghi!
Dilaw, dilaw, manapa’y
Ito rin ang kulay ng tae
Na nakakalat sa pusali!
Naku po! Natigil ang pagmumuni!
Dilaw, dilaw na ba
Ang kulay ng pakikibaka?
Utak umurong; puso’y napipi!
Huwag! Huwag sana! Huwag sanang mangyari!
Ako, ikaw, kayo, sila
Ay maghunos-dili.
Nakakasulasok!
Nakakadiri!

Papayag ka ba na ang dugo’y maging ihi,
Ang himaymay ng laman maging dilaw na dumi?
Hindi! Hindi! Hindi!
Hinding-hindi!

(Ito ang unang tulang isinulat ko pagkatapos ng “Huling Ngiti
na inialay ko sa aking yumaong ina.
Ako’y nabigyan ng mapalad na pagkakataong limiin ang aklat ng tula, Dungol,
ni Rebecca T. Añonuevo, premyadong manunulat at makata.
Mula rito muli akong nagkaroon ng bagong inspirasyon na muling sumulat ng mga tula,mula sa diwa at sagimsim ng aking isip. Setyembre 21, 2018)




ANG LANGAW, BAW!

Insektong langaw,
Dapua’y humihiyaw,
Diring-diring alibayaw.
Tanging manliligaw,
Pulitikong dilaw!

Insektong langaw,
Kahit ang kalabaw
Sa burak nagtampisaw,
Buntot bumubugaw
Sa maruming dalaw!

Insektong langaw,
Lahat sinasaklaw,
Dinadahas, inaagaw,
Dangal na bahaw
Ng pulubing ligaw.

Insektong langaw,
Hilig kaulayaw,
Bagay na madilaw:
Ihi, taeng maalingasaw
Ng pedopilyong halimaw!

Insektong langaw,
Hinahabol ng hataw,
Laging alimpapayaw.
Tulad sa magnanakaw,
Pulitikong dilaw!

Insektong langaw,
Mata, pati muta, dilaw;
Limang-dadaaning dilaw;
Kandidatong dilaw.
Tsuuu! Ayaw! Ayaw! Ayaw!

(September 24, 2018)




IWAKSI, LIGAW NA LUWALHATI

Isang pinipitagang manunulat
Sa larangan ng panitik
premyado’t sikat.
Ganoon na lamang ang galit,
Kinimkim saka ibinulalas.
Ang kaniyang panig;
Ang katuwirang nabuo,
Maaaring tama at matuwid
O bunga lamang ng buyo
Ng dilaw na kapanalig!
Luwalhati ang tawag,
Tinitingala at pinupuri,
Pumasok nawa ang liwanag,
Walang bahid na pagsusuri.
Binaligtad na katotohanan
Itumpak, iparinig, ipakita,
Sa isip maunawaan,
Sa puso’y madama!
 
Mga komentarista
Sa dilawang istasyon ng TV,
Napanood kumakanta,
Ah bonus sa Pasko ay malaki!
Kaya’t tahasang panglalait
Sa isang yumaong pinuno,
Tulad lamang ng paggupit,
Buhok sa panot na ulo.
Katarungan ba ang usapin,
Sandata’y pagkutya?
Gayo’ng tunay na hangarin,
Galitin ang madla!
Madlang bukas na ang isip,
Hindi na palilinlang
Sa mga sukab at sipsip.
Huwag ipilit pandadarang,
Baka sa inyo’y bumalik,
Kayo ang silaban!

Iwaksi, ligaw na luwalhati
Sa imbot at karuwagan;
Sa paninibugo, paghihiganti;
Sa gawang tampalasan.
Senador na nalulukag,
Paring kampon ng dilim,
Komentaristang may kabag,
Kandidatong adik at sakim,
Mga itlog na nabasag
Saan kaya pupulutin?
Ang bayan kong Pilipinas
Lupain ng ginto’t bulaklak,
Alab mo’y nagniningas,
May bago ng tinatahak!
Kasamaan ay lipulin,
Korapsyon sagasaan,
Upang tagumpay ay kamtin,
O bayan kong sinilangan!

(Isinulat ko ang tulang ito bilang tugon sa mga nanglalait at panglalait
at sa nakaupong Pangulong Rodrigo R. Duterte. Setyembre 25, 2018)
 
 



0 comentários: