Home Top Ad

Responsive Ads Here

EDSA I. NANG ARAW NA LUMAYA ANG MGA LINTA (1985-1987) Sa mahigit dalawampung taon, Nakapinid ang kulungang garapon. Sa loob nito ay nakakul...

EDSA



EDSA

I. NANG ARAW NA LUMAYA ANG MGA LINTA
(1985-1987)
Sa mahigit dalawampung taon,
Nakapinid ang kulungang garapon.
Sa loob nito ay nakakulong
Mga lintang lubhang ganid at gutom;
Mga lumang pulitiko;
Mga sakim at palalo.

Mga nakaabito’t aktibistang huwad,
Naghanda ng patibong at bitag.
Ang araw ng pagtatalusira,
Sumapit sa bayang sinisinta.
Isang tao ang sadyang pinaslang,
Upang sa pinuno ng bayan ibintang.

Ang mga makakaliwa ay hinimok,
Sa tagay ng kataksilan lumahok.
Salapi ng mga imbing makakanan,
Pinakalat sa mga liwasa’t lansangan.
Tila nagdilim ang liwanag ng araw,
Ang mga puno’t pader ay nanilaw.

Mga dila ng kleriko-pasismo,
Nanghikayat sa harap ng pulpito.
Mga galamay ng imperyalista,
Ibinadya hawak nilang sandata.
Maraming nadaya sa lasong dilaw,
Kaya’t nanaig ang maling pananaw.

Pinuno ng baya’y dinukot ng Kano;
Dinalamhati at siniphayo.
Pagkatapos ay kanilang iniluklok,
Biyudang sa paghihiganti’y hayok.
Lahat ng mabuti ay inalis,
Kaliluan ang siyang ipinalit.

Ang balo ay malakas na humalakhak,
Katarungan ay tuwirang hinamak.
Mga linta sa garapon pinalaya,
Nanakmal, nangamkam at nanalanta.
Mga lintang pulitikong gahaman,
Sinagpang ang kaawa-awang bayan.

Ang babaing sa dayuha’y nagpatuta,
Itinanghal na bayani’t dakila.
Binaboy ang batas at lipunan,
Salapi ipinalit sa karangalan.
Nagsaya’t nagdiwang ang mga sukab;
Walang habas silang namayagpag.

Yamang naipon ng lahing Kayumanggi,
Sa dayuha’y muling ipinagbili.
Ang mga mahirap lalong naghirap;
Kasamaan ay nagbunyi’t lumaganap.
Bayan ay nasadlak sa panimdim,
Sa pamumuno ng alagad ng lagim.
 
 
II. NAGNGITNGIT ANG TADHANA
(1987-2009)
Ang bayan kong Pilipinas,
Laksang hirap ang dinanas.
Pagbabagong akalang ibibigay,
Hahantong pala sa malalim na hukay.
Mga Kawal nag-aklas at nagbanta,
Silang mga nagamit at nadaya.

Ang bayan kong Pilipinas,
Ginahasa ng mga ungas.
Kabundukang mayabong at marilag,
Walang habas na kinalbo at tinibag.
Nagngitngit ang Inang Kalikasan,
Binaha ang buong bayan.

Ang bayan kong Pilipinas,
Nilimot ang nakalipas.
Ang mandaraya’y itinaguyod,
Kaya’t lindol ang sumunod.
Dahil sa paggawa ng mali,
Libu-libo ang nasawi.

Ang bayan kong Pilipinas,
Namumuno’y balasubas.
Ang mga gahaman ay tinangkilik,
Na salapi ang laging katalik.
Sagot ng tadhana sa katiwalian,
Mga sakuna sa karagatan.

Ang bayan kong Pilipinas,
Ngitngit ng tadhana’y nagniningas.
Sa pagpugay sa Araw ng Kalayaan,
Mga dayuhan ang pinapurihan.
Kaya’t Bulkang Pinatubo ay nagising
Sampal sa mukha ng manggugupiling.

Ang tadhana ay sandaling magtitimpi,
Ipagpapaliban ang ngitngit at muhi.
Kailangan munang gisingin at imulat,
Kaisipan ng bayang binulag.
Mamamalas ng mga magulang at supling,
Ang pagkakaiba ng liwanag at dilim.

Ang tadhana ay magmamatyag,
Magtatakda at maghahayag.
Unti-unti ang bayang nilinlang,
Magigising sa katotohanan.
Taon man ang bilangin at lumipas,
Sa sukab darating din ang wakas.

Ang tadhana ay hindi natutulog,
Hangga’t ang mundo’y umiimbulog.
Nakatala ang bawat katiwalian,
Ng mga namumuno sa pamahalaan.
Darating din ang oras ng pagbabago,
Ang matingkad na dilaw ay maglalaho.

III. ANG PAGHATOL NG LANGIT
(2009-2025)
Apat na taon at dalawang dekada,
Nanilaw na muli ang mga kalsada.
Itinakda ang pagpanaw ng balo,
Upang anak niya’y maluklok sa trono.
Muling dadanas ng laksang pahirap,
Bayang pira-piraso ang pangarap.

Bagyong walang katulad ay sumapit,
Ito na ba ang paghatol ng Langit?
Ito’y para imulat ang taong-bayan,
Sa gawang-sakim na katotohanan.
Buong daigdig ang siyang nakamalas,
Katiwalian, lantaran at pangahas.

Kapalit ng salapi’t kapangyarihan,
Isinugal mga sanggol at kabataan.
Dusa at kamatayan sa bawat turok,
Gamot na sa kanila’y isinubok.
Pilit mang itago ang gawang pagpatay,
Nananaghoy ang mga musmos na bangkay.

Pula, puti, bughaw at ginintuan,
Iyan ang kulay ng watawat ng bayan.
Kathang-isip mangmang lamang ang dilaw,
Ng mga pasista’t pulitikong halimaw.
Kaya’t ito’y lubhang kamumuhian,
Ng mga naliwanagang mamamayan.

Ang hula ni Jeremias sa Bibliya,
Mangyayari ang hayag na propesiya.
Ang sinasamba nilang reyna ng langit,
Sa paglindol sa lupa ay hahalik.
Karangalang sa kaniya’y ibinigay
Dadalhin ng mga lilo’t mangmang sa hukay.

Isang karumaldumal na larawan,
Tanglaw at sagisag daw ng kalayaan.
Nagtitipon ang mga buktot at pasista,
Sa sangang-daan sa gitna ng EDSA.
Kapangyariha’y nais agawing muli,
At muling magluklok ng isang tiwali.

Mula sa lambak ng bayang Marikina,
Gagapang ang pagyanig ng lupa.
Ang kanilang itinayong rebulto,
Mabibitak, magigiba at guguho.
Makikita ang hatol ng kalangitan,
Sa pananampalatayang bulaan.

Matapos ang pagtangis ay pagbangon,
Kapit-kamay na haharap sa hamon.
Wala ng garapon para sa mga linta,
Dapat sa kanila’y asupre at baga.
Magkakaisang muli ang mamamayan, 
Upang itatag ang Bagong Lipunan.

0 comentários: